MATAPOS maglabas ng pahayag ang iba’t ibang departamento hinggil sa tinabas na alokasyon sa ilalim ng 2025 General Appropriations Bill, ilang senador ang naglabas ng saloobin sa anila’y kabiguan ng Kongreso tumalima sa probisyon sa ilalim ng 1987 Constitution kung saan nakatala ang pagkakasunod-sunod ng mga serbisyo at programang dapat bigyang prayoridad sa national budget.
Partikular na tinukoy ng mga senador ang budget cut sa Department of Education (DepEd) at Department of Health (DOH). Hindi rin ikinalulugod ng mga mambabatas sa mataas na kapulungan ang zero subsidy sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sumama sa humahabang listahan ng mga nadismaya sa resulta ng bicameral conference committee report si Senador Pia Cayetano.
Ayon kay Cayetano, malaki ang implikasyon ng tinapyas na badyet sa mahahalagang serbisyong hatid ng DepEd at DOH para sa mamamayang Pilipino.
“I’ve been Vice Chairman for six years sa mga agencies na ito, DepEd and all the education sectors. Tapos sa DOH naman and health, five years. In all humility, aral na aral ko na itong mga budget na ito,” wika ni Cayetano, na siyang Vice Chairperson ng Senate Committee on Finance.
“Education is long-term, right? Yan ang investment natin sa future natin. And the Constitution requires that DepEd, education receive the highest budget. The two agencies that I handled are to me talagang napaka importante sa buhay ng mga kababayan natin,” dagdag niya.
Nauna nang pumalag sa badyet cut sina Senador Sherwin Gatchalian, Juan Miguel Zubiri, JV Ejercito, Bong Go at Risa Hontiveros na nanghihinayang sa budget cut para sa mamamayan na higit na kailangan ang serbisyo sa kalusugan at edukasyon.
Ayon kay Cayetano, isa sa pinaka-kontrobersyal na isyu ay ang matinding pagbawas sa subsidy ng PhilHealth. Aniya, nagmungkahi ang gobyerno ng subsidy upang suportahan ang health insurer pero walang itinira sa final version ng budget.
Ito ay sa kabila ng legal na pangangailangan na ang isang bahagi ng kita mula sa Sin Tax ay ilaan sa PhilHealth.
Sa ilalim ng Sin Tax Law, na malaki ang bahagi ni Cayetano sa pagpasa, 80 percent ng kita mula sa buwis mula sa tabako at mga inuming matamis ay dapat mapunta sa pondo ng PhilHealth.
Sa 2025, ang inaasahang kita ay humigit-kumulang P69 bilyon, ngunit ang national budget ay naglaan lamang ng P53 bilyon. At pagkatapos dumaan sa bicameral conference, biglang walang tinira para rito ni isang kusing.
“By law, it is required to deliver that fund (to PhilHealth). So dapat yung fund na iyan dineliver ng government, and let the PhilHealth board allocate it properly. It’s not a reward. It’s the law,” paliwanag ni Cayetano.
Binigyang diin din niya ang kanyang pagkabahala sa paglalaan ng pondo sa DepEd, na ayon sa Saligang Batas ay dapat tumanggap ng pinakamataas na alokasyon sa budget.
“Under the Constitution, DepEd should have the highest budget. So, sana hindi naman nabawasan. I think we all agree napaka-importante naman ang DepEd,” aniya.
Ipinaliwanag ng senador na bagamat kadalasang nabibigyang katwiran ang ilang pagbawas sa budget ng DepEd at DOH batay sa historical data at utilization rates, naniniwala siya na ang mga kritikal na ahensya sa loob ng departamento ay nananatiling kulang sa pondo.
“There’s all this background work that has to be done. I understand that. If may makita sila na hindi dapat pondohan ito dahil kulang sa background work or hindi nila ma-implement nang maayos, masyadong malaking pondo ang binigay for the program to be rolled out efficiently in this span of time, then mabawasan (ang budget),” wika ng senador.
“Ang sa akin, sana, for a department as important as DOH, ilagay din sa ibang programa ng DOH. The same goes with DepEd,” dagdag niya.
Ikinadismaya naman ni Gatchalian ang P 3 bilyong inilaan ng Senado sa paglalaan ng pondo sa State Universities and Colleges (SUCs).
“Accepted yan here in the Senate… pagdating sa bicam tinanggal. So that’s one of the things sa akin na medyo disappointing because magkakaroon tayo ng shortfall sa free higher education,” ayon kay Gatchalian.
Pinalagan din ni Zubiri ang final version ng budget bill dahil hindi inaprubahan ang dagdag pondo sa Department of Science and Technology (DOST)/
“I’m just sad, ako nalulungkot ako dahil sa DOST budget hindi nabigyan ng additional. Ipinaglaban namin sa Senado na dagdagan sila ng almost P700-P800 million, paglabas ng bicam report, bumalik sa NEP ang budget ng DOST kaya binanggit ko kanina na I’d like to put on record na revert sa NEP budget ang mga departments,” aniya
“Kawawa na ang PHIVOLCS, di ba? Sumabog ang Bulkan Kanlaon noong isang araw. Kulang daw sila ng monitoring equipment. Nadagdag sana sa budget ngayon, eh wala. Kawawa rin ang PAGASA,” giit niya
“Sana man lang nasabihan kami na ganun nga ang mangyayari, sana nahanapan ng paraan, we could have lobbied for the increase of their budget. I’m just disappointed as the chairman of the subcommittee handling the budget of the DOST. Nahiya ako sa DOST. Talaga nahiya ako,” dagdag ng senador.
Nauna nang nagpahayag ng pagkadismaya sina Hontiveros, Ejercito at Go sa zero subsidy sa Philippine Health Insurance Corporation sa ilalim ng 2025 budget. (Estong Reyes)
