
PARA sa Moro Islamic Liberation Front (MILF), hindi angkop na maantala ang makasaysayang halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na gaganapin sa Oktubre 13, 2025.
Sa isang pahayag, partikular na hinimok ni MILF Vice Chairman Mohagher Iqbal ang Kongreso, Commission on Elections (COMELEC), at iba pang kinauukulang ahensya na ibasura ang anumang mungkahing maaaring humantong sa muling pagpapaliban ng kauna-unahang parliamentary election ng rehiyon.
Si Iqbal ang tumatayong kinatawan ni MILF Chairman Al Haj Murad Ebrahim maging ng MILF Central Committee.
“Mariin naming ipinapakiusap sa ating mga pambansang pinuno na huwag na sanang isaalang-alang ang anumang panukalang nagtutulak ng panibagong pagpapaliban sa makasaysayang halalang ito,” wika ni Iqbal.
Ayon kay Iqbal, kalabisan na kung iuusad muli ang halalang aniya’y dalawang ulit nang ipinagpaliban — una mula Mayo 2022 na inilipat sa Mayo 2025 sa bisa ng Republic Act 11593 sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, at muling inilipat sa Oktubre 2025 sa bisa ng Republic Act 12123 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Pebrero ngayong taon.
Binigyang-diin ni Iqbal ang kahalagahan ng pagsasagawa ng halalan upang magkaroon ng demokratikong halal na Bangsamoro Parliament na may malinaw na mandato mula sa mamamayan.
“Ito ang diwa ng demokrasya at handa ang MILF na humingi ng legal na mandato sa pamamagitan ng soberanong kalooban ng Bangsamoro people — sa isang malinis, tapat, at kapanipaniwalang halalan,” aniya pa.
Bagaman wala pang panibagong panukalang batas na inihain sa Kongreso upang ipagpaliban muli ang halalan hanggang 2028, nagpahayag ng pagkabahala si Iqbal ukol sa mga ulat na may mga nagsusulong iurong sa ikatlong pagkakataon ang botohan.
Nanawagan rin ang MILF official sa mga mambabatas na manindigan para sa prosesong magbibigay-daan tungo sa tunay na kapayapaan sa katimugan.
Ayon pa kay Iqbal, “Handa ang MILF, sa pamamagitan ng United Bangsamoro Justice Party, na lumahok sa demokratikong proseso at tatanggapin ang magiging resulta, panalo man o talo.”
Nagtapos si Iqbal sa paalala ukol sa sensitibong kapayapaan sa rehiyon na naabot matapos ang mahabang negosasyon, at nanawagan sa lahat ng panig na huwag sayangin ang mga tagumpay na nakamit sa ilalim ng Bangsamoro peace process.