TINIYAK ni Speaker Martin Romualdez na nananatiling numero uno sa talaan ng prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapababa sa presyo ng mga pangunahing bilihin, kasabay sa panata tungo sa matatag na ekonomiya ng bansa.
“Pagpapababa ng presyo ay hindi lamang isang pangmatagalang layunin—ito ay isang agarang pangangailangan. Kapag mataas ang presyo ng pagkain at bilihin, direktang naapektuhan ang bawat pamilyang Pilipino. Kaya naman, bilang mga lingkod-bayan, obligasyon nating siguruhin na may sapat na pagkain sa abot-kayang halaga.” Tahasang sabi pa ng lider ng Kamara.
Ginawa ni Romualdez ang pahayag bilang tugon sa ulat ng Moody’s Analytics na nagbabala sa patuloy na price pressures at ang potential sa pagkasira sa monetary easing o pagpapautang sa mga negosyante at pagpapababa sa interest rate.
“Ang pagtugon sa inflation ay hindi lang trabaho ng Bangko Sentral. Dapat itong sabayan ng matalinong pamamahala sa suplay ng pagkain at iba pang pangunahing bilihin. Ang layunin natin ay tiyakin na ang presyo ay hindi basta tataas-bababa nang walang direksyon. Dapat nating gawin matatag at predictable ang ating food supply para sa kapakanan ng mga mamamayan,” wika ni Romualdez.
Ibinigay niyang halimbawa sa pagtugon ng pamahalaan sa mataas na presyo ng produktong pagkain ay ang pinal na pagtatakda ng Department of Agriculture’s (DA) sa 55,000-metric-ton minimum access volume (MAV) quota sa pag-aangkat ng karne ng baboy para mapatatag ang presyo nito sa mga pamilihan at matiyak ang pagkakaroon ng sapat na suplay.
Subalit iginiit ni Romualdez na ang importasyon ay isang short-term solution lamang at ang kailangan ay mapalakas ang domestic agricultural production.
“Ang importasyon ay panandaliang solusyon, ngunit hindi ito pwedeng maging pangmatagalang estratehiya. Dapat tayong mag-invest sa modernisasyon ng ating agrikultura, mula sa pagpapalakas ng biosecurity measures sa pag-aalaga ng baboy hanggang sa pagpapahusay ng suplay ng pagkain ng ating mga livestock farmers. Kung hindi natin ayusin ang ugat ng problema, mananatili tayong umaasa sa importasyon.”
“Hindi sapat ang basta lang magpamahagi ng makina. Kailangang tiyakin natin na ang ating mga magsasaka ay may sapat na kaalaman at suporta upang magamit nang husto ang mga makabagong teknolohiyang ito, Kapag nagawa nating palakasin ang ating agrikultura, mababawasan ang ating pagdepende sa imported na pagkain at mas magiging matatag ang ating ekonomiya,” dugtong ng lider ng Kamara.
Binanggit din ni Romualdez ang taas-babang presyo ng mga pangunahing bilihin, na aniya ay maaaring maresolba sa pamamagitan ng pagpapatatag sa local supply chains at pagbuo ng long-term market stabilization programs.
“Dapat nating baguhin ang paraan ng ating pagtugon sa presyo ng pagkain—hindi lang puro reaksiyon kapag may pagtaas ng presyo. Ang solusyon ay nakasalalay sa matibay na produksyon, episyenteng supply chain, at patas na kompetisyon sa merkado. Kailangan nating tiyakin na ang bawat Pilipino ay may access sa de-kalidad at abot-kayang pagkain,” punto pa niya.
“Sa huli, ang pinakaimportanteng tanong ay ito: Ramdam ba ng bawat Pilipino ang pag-unlad, ang bawat hakbang na ginagawa natin para solusyunan ang ating mga problema?” Speaker Romualdez said. “Ang sagot diyan ay matatagpuan sa presyo ng pagkain, halaga ng kuryente, at gastusin sa araw-araw. Kaya’t hindi tayo titigil hangga’t hindi natin natitiyak na ang bawat Pilipino ay may mas maayos at mas abot-kayang pamumuhay.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
