MAHABA-HABANG bakasyon ang naghihintay sa kontrobersyal na gambling lord sa sandaling isampa ng Department of Justice (DOJ) sa susunod na linggo ang patong-patong na kasong kriminal kaugnay ng tinaguriang “missing sabungeros.”
Bukod kay Charlie “Atong” Ang, kabilang rin sa talaan ng ihahabla kaugnay ng pagdukot at pagpatay ng mga nawawalang sabungero ang ilang miyembro ng Philippine National Police (PNP).
Sa isang pulong-balitaan, inamin ni State Prosecutor Anthony Fadullon na nasa huling yugto na ang pagsasaayos ng mga dokumento at impormasyong kalakip ng kaso laban kay Ang at mahigit 20 iba pa.
Bagamat hindi limitado sa isang lugar ang pagsasampa ng asunto laban sa mga itinuturing na suspek, nakatakda naman aniuyang hilingin ng kagawaran ang “consolidation” ng mga kaso sa mga korte sa mga lalawigan ng Batangas, Laguna at lungsod ng Parañaque sa Metro Manila.
Paliwanag ng tagausig, hangad ng DOJ pag-isahin ang kaso upang maging mas maayos at hindi na mahirapan sa mga pagdinig ng husgado.
Sinabi ni Fadullon na matapos ihain ang kaso, may 10 araw ang korte para maglabas ng warrant of arrest laban sa mga akusado. Inaasahan naman aniyang bibigyan ng 15 araw ang kampo ni Ang para maghain ng motion for reconsideration.
Kinumpirma rin ng DOJ na non-bailable ang kaso, ngunit maaaring maghain ng motion o petition ang kampo nina Ang para makapag piyansa.
Una nang naglabas ng resolusyon DOJ sa paghahain ng 10 counts of kidnapping with homicide at 16 counts of kidnapping with serious illegal detention laban sa kontrobersyal na gambling lord. (Juliet Pacot)
