SA mga nakalipas na panahon, sadyang mahina — kung hindi man walang kakayahan ang Pilipinas ipagtanggol laban sa mga dayuhang “bully” ang nasasakupang teritoryo.
Pero hindi na ngayon, ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia matapos ang pormal na pagsasalin ng kustodiya ng gawang-Pinoy na Controller Operated Battle Ready Armament (COBRA) automated weapon system mula sa Department of Science and Technology (DOST) patungo sa Department of National Defense (DND).
Para kay Goitia, isang malinaw na hakbang tungo sa mas matatag na pambansang depensa ang paglikha ng makabagong kagamitan para depensahan ang bansa laban sa mga dayuhan.
Aniya, ipinapakita lamang ng COBRA system na kaya ng bansa na lumikha ng sariling kakayahan at hindi lamang umasa sa inaangkat na teknolohiya.
“Hindi nasusukat ang lakas ng bansa sa mga inaangkat nito, kundi sa mga kaya nitong likhain para sa sarili.”
Ang COBRA system na binuo ng DOST-Metals Industry Research and Development Center (MIRDC) ay idinisenyo para sa .50-caliber weapons at maaaring gamitin sa iba’t ibang sasakyang pandigma. Para kay Goitia, patunay ito na ang siyensya at talento ng Pilipino ay may mahalagang ambag sa pambansang seguridad, lalo na sa tuloy-tuloy na pagsisikap ng DOST, DND, at Armed Forces of the Philippines (AFP) na palakasin ang kakayahan ng bansa.
Kakayahan Tumindig
Matagal nang nakaasa ang bansa sa dayuhang kagamitan para sa depensa. Para kay Goitia, ang COBRA ay malinaw na pahiwatig na handa na ang Pilipinas tumindig sa sariling lakas — sa bisa ng suportang ibinigay ng administrasyong Marcos sa paglikha ng kapaligirang nagtutulak sa inobasyon at sa pagbibigay-kapangyarihan sa mga institusyon na bumuo ng solusyong tunay na makakatulong sa bayan.
“Ang inobasyon ay nagiging tunay na mahalaga pag pinatitibay nito ang kakayahan ng estado na pangalagaan ang mamamayan.”
Sa paggawa ng sariling defense systems, malinaw aniya ang hangarin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na patatagin ang seguridad ng bansa. Makikita rin umano sa naturang hakbang kung paano sumasabay ang liderato ng AFP sa hamon ng makabagong depensa.
Mas Pinalakas ng AFP
Naniniwala ang Philippine Army na ang COBRA system ay isang mahalagang bahagi ng AFP modernization goals. Pinatitibay anila nito ang mobility, precision, at mission adaptability kasabay ng pagbabawas sa pagdepende sa dayuhang kagamitan.
“Ang paggamit ng sariling gawang teknolohiya ay pag-iinvest hindi lamang sa sandata kundi sa kinabukasan ng ating pambansang depensa.”
Binibigyang-diin ni Goitia na ang paggamit ng lokal na teknolohiya sa Sandatahang Lakas ay nagpapalakas ng kumpiyansa sa loob ng militar at sa publiko na umaasa sa mga institusyong marunong umangkop at magmodernisa.
Dagdag pa niya, ang AFP at DND ay seryosong nagtatrabaho pata tiyakin may direksyon ang modernisasyon na angkop sa aktwal na operasyon.
Huwarang Koordinasyon
Binigyang-diin ni Goitia na ang COBRA ay bunga ng epektibong pagtutulungan ng Department of Science and Technology, Department of National Defense, at Philippine Army na nagpapakita ng gobyernong gumagalaw nang may pagkakaisa at malinaw na layunin — sa hudyat at kumpas ng Pangulo.
“Kapag nagkakaisa ang mga ahensya, nakikita ng publiko ang gobyernong kayang tugunan ang tunay na pangangailangan.”
Isang Higanteng Hakbang
Para kay Goitia, ang COBRA ay hindi lamang bagong kagamitan kundi simbolo ng lumalakas na tiwala sa talento ng Pilipino at ng seryosong hangarin ng pamahalaan na palakasin ang depensa ng bansa.
Pinatitibay aniya nito ang direksyong itinakda ni Presidente Marcos tungo sa mas moderno, mas makabago, at Sandatahang Lakas na mas nakasalalay sa sariling kapasidad.
“Ang bansang naniniwala sa sariling kakayahan ay nagiging mas matatag at mas marangal. Ang tunay na pag-unlad ay ginagawa, hindi inaangkat.”
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na civic oriented organizations kabilang ang Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.
