MATAPOS maglabas ng desisyon ang Korte Suprema sa legalidad ng “red-tagging,” usap-usapan sa Kamara ang di umano’y napipintong pagbuwag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na nilikha sa ilalim ng nakaraang administrasyon.
Bagamat kumbinsido ang ilang ranking House officials na malaking tulong sa pagsugpo sa mga komunista ang NTF-ELCAC, pinaubaya na kay Pangulong Ferdinand Jr. ang pagpapasya – kung bubuwagin o panatilihin ang naturang ahensya.
“I trust the decision of the President, also the Executive with regards to the abolition or not of the NTF-ELCAC… We leave it up to the Executive to decide kung paano po or how they go about proceeding with the NTF-ELCAC program,” pahayag ni Deputy Majority Leader at Isabela Isabela Rep. Faustino “Inno” Dy V.
Para kay Dy, malaki ang naitulong ng NTF-ELCAC sa lalawigan ng Isabela, partikular sa mga malalayong barangay ng probinsya.
“Sa amin po nagkaroon kami ng problema sa ganito, Isabela marami po kaming armed conflict dati. Definitely nabawasan na po ito, kumonti na, but it still exists in certain parts of the country. So iyon po completely ang gusto nating mawala and there have been successes with the NTF-ELCAC,” dagdag ni Dy.
Sa panig ni Tingog Partylist Rep. Jude Acidre, hindi lang simpleng bagay ang paglusaw sa naturang ahensya kung saan maaaring timbangin mabuti ng Pangulo ang magiging aksiyon.
“Sa pagbuwag ng NTF-ELCAC, I think the President is proceeding with more caution, the way I read it, Malacañang is proceeding with caution conscientiously with how to deal with the insurgency problem,” ani Acidre na tumatayong Deputy Majority Leader.
“They have not definitely acted and given that this a policy decision of the Executive. Ang Congress naman will surely support whatever will benefit, whatever would produce the results na kailangan para sa pangmatagalang kapayapaan at matapos na ang insurgency sa ating bansa,” dagdag pa ng partylist solon.
Kinatigan naman ni Manila Rep. Ernesto Dionisio Jr. ang reaksyon ng dalawang kapwa mambabatas sa hirit na pagbuwag sa NTF-ELCAC.
Bunsod ng landmark decision na Korte Suprema, nanawagan si Dionisio sa iba pang ahensya na gawin ang kanilang trabaho nang hindi tinatapakan ang karapatang-pantao.
Kumbinsido rin ang Manila City lawmaker na mayroong mahalagang papel na ginagampanan ang NTF-ELCAC.
“There is really an important role that the NTF-ELCAC plays. But it’s just a balance. Hindi naman pwedeng alisin totally pero dapat maproteksiyunan lang iyong mga rights ng ating kababayan,” pagtatapos ng Manila congressman.
