Ni Lily Reyes
INIANUNSIYO ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pansamantalang sinuspinde ang lahat ng transaksyon at operasyon nitong Lunes ng hapon, bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng National Family Week ngayong ika-25 ng Setyembre 2023.
Ayon sa LTFRB, alinsunod ito sa Proclamation No. 60, series of 1992, at Proclamation No. 326, series of 2012, na nagdedeklara sa huling linggo ng Setyembre bilang “Family Week” at “Kainang Pamilya Mahalaga Day”.
Sa inilabas na Memorandum Circular No. 32 ng Malacañang, suspendido ang lahat ng pasok sa gobyerno, partikular na sa mga kagawaran at ahensya na kabilang sa sangay ng ehekutibo tulad ng LTFRB, upang bigyang-daan ang mga kawani nito na makapiling at makasama sa isang salo-salo ang kani-kanilang pamilya.
Kaya naman inaabisuhan na umano ng LTFRB ang publiko na maagang magtungo sa tanggapan ng ahensya upang hindi maabutan ng suspensyon.
Muling magpapatuloy ang regular na transaksyon at operasyon sa mga tanggapan ng LTFRB simula ngayong Martes, ika-26 ng Setyembre 2023.