NAGSAGAWA ng isang biglaang kilos protesta ang iba’t ibang grupong makabayan sa harap ng China Embassy sa lungsod ng Makati bilang pagtutol sa paggamit ng dahas laban sa mga Pinoy na ang tanging pakay sa pamamalakaya ay buhayin ang kani-kanilang pamilya.
Sa naturang pagtitipon ng mga miyembro ng FDNY Movement, ALAB, at Alyansa Bantay Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), partikular na tinuligsa ang “pambobomba” ng China sa mga mangingisdang Pinoy gamit ang water cannon, sa Escoda Shoal na pasok sa 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone.
Bilang bahagi ng programa, isinagawa ang mga simbolikong kilos tulad ng pagwasak sa effigy ng barko ng Chinese Coast Guard, pagpunit ng kartong bandila ng China, at die-in protest para ipakita ang panganib sa buhay at kabuhayan ng mga mangingisda.
Iginiit ng mga grupo na ang insidente ay paglabag sa karapatang pantao at pandaigdigang batas pandagat, kasabay ng giit na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas ang West Philippine Sea.
Panawagan ng mga demonstrador sa pamahalaan at pandaigdigang komunidad, ipagtanggol ang soberanya ng bansa at protektahan ang mga mangingisdang Pilipino. (BONG SON)
