
ALINSUNOD sa napagkasunduan, nagbigay ng P30 milyon ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa Office of the Vice President (OVP) bilang pantugon sa mga dinudulog na problema ng maralitang Pilipino.
Sa isang kalatas, tiniyak ng PAGCOR na masusundan pa ang naturang halaga batay sa nilagdaang Memorandum of Agreement (MOA) kung saan nakasaad na magbibigay ng tumataginting na P120 milyon kada taon ang nasabing government gaming regulatory agency sa tanggapang pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte.
Para sa PAGCOR, marapat lang na pondohan ang OVP na anila’y kabilang sa takbuhan ng mga maralitang nangangailangan ng tulong mula sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno.
Pag-amin ng OVP, totoong sandamakmak ang kanilang natatanggap na request para sa financial assistance mula nang magtayo sila ng mga satellite offices sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa isang maliit na seremonya personal na inabot nina Senior Community Development Officer Ferdinand Marcos Amador II at Budget and Control Officer II Gerardo Hilario ng PAGCOR ng tsekeng nagkakahalaga ng P30 milyon kay OVP Chief Collecting Officer Aniceta Puzon at Chief Accountant Julie Villadelrey.