MATAPOS ang tatlong taon, isang magandang balita ang bumungad sa araw ng mga healthcare workers sa bisa ng anunsyo ng Department of Budget and Management (DBM).
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, nakatakda nang ilabas ng ahensya ang P27 bilyong pondong kabayaran sa serbisyo at sakripisyo ng mga tinaguriang bayani ng makabagong panahon.
Partikular na tinukoy na Pangandaman ang Health Emergency Allowance ng mga healthcare workers na sumagupa kontra peligrong kalakip ng nakamamatay na COVID-19 pandemic.
“Bilang pagtupad sa direktiba ng ating Pangulong Bongbong Marcos, we will release the additional P27 billion requested by DOH for the settlement of unpaid HEA claims of our health workers by Friday, July 5, 2024,” ani Pangandaman.
Buwan ng Mayo nang hilingin ng Department of Health (DOH) sa DBM ang paglabas ng P27 billion para mabayaran ang natitirang balanse ng health emergency allowance ng mahigit limang milyong health workers at COVID 19 sickness and death compensation claims ng mahigit apat na libong Healthcare at non-Healthcare workers.
Sa datos ng DBM, umabot na sa P91.283 billion ang inilabas ng pamahalaan para sa public health emergency benefits and allowances ng mga health workers mula 2021 hanggang 2023, at P73.261 billion nito ay para sa health emergency allowance.
Kabilang sa mga benepisyo at allowances ay ang special risk allowance (SRA), kompensasyon para sa mga nagkasakit at namatay sa COVID 19 at dagdag na benepisyo gaya ng pagkain, akomodasyon at transportation allowances para sa health workers.
