Ni ESTONG REYES
PARA sa mga senador, hindi sapat ang P35 daily minimum wage hike para sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa Metro Manila kung di matutugunan ang patuloy na pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado.
Ayon kay Senate President Francis Escudero, hindi sumasalamin sa tunay na halaga ng pamumuhay ang ginawang pagtataya ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB).
“Bakit nga ba palaging kulang ang binibigay na umento ng RTWPB? Ni minsan ay hindi pa sila tumama mula nang nilikha ang ahensyang ‘yan. Saan ba sila bumibili ng bigas? Nag-grocery? Nag-palengke? Pa-share naman kayo kasi baka sobrang mura dun at kasya ang dagdag na ?35 sa sahod na binigay nila,” ani Escudero.
Hirit pa ng lider ng Senado, dapat aniyang binusisi muna ng RTWPB ang P100 legislated across-the-board daily wage hike bill na pinagtibay ng Senado.
Bukod kay Escudero, dismayado rin si dating Senate President Juan Miguel Zubiri.
Ani Zubiri, kulang ang P35 increase sa minimum wage upang matugunan ang pagtaas ng gastos sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Pabor din si Zubiri para maisabatas ang P100 arawang minimum wage increase, na dapat inaprubahan ng wage boards hindi lamang para sa National Capital Region kundi sa lahat ng rehiyon.
Samantala, kinastigo ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang aniya’y baryang umento se hanay ng mga manggagawa sa kabisera.
