PARA kay Commission on Elections (Comelec) chairman George Garcia, hindi na kailangan pang magdaos ng isang special election para punan ang pwestong binakante ni Senador Sonny Angara matapos italaga bilang Kalihim ng Department of Education (DepEd).
Ayon kay Garcia, hahayaan na lamg muna bakante ang pwesto ni Angara hanggang sa magkaroon ng kapalit sa bisa ng 2025 midterm elections.
Gayunpaman, nilinaw ni Garcia na depende pa rin aniya sa pasya ng Senado.
“Unless there is a call from the Senate to call for a special election, the Senate seat will remain vacant,” wika ng Garcia.
Aniya pa, sa midterm elections, mapupunan na ang nabakanteng slot ni Angara dahil last term niya na ngayon at 12 naman ang maihahalal.
Hindi na rin aniya tulad ng Kamara, wala na rin dahilan magtalaga ng caretaker.
“In this case po, wala ng caretaker not unlike sa HRep dahil nationwide po ang constituency ng Senators,” dugtong pa niya.
Bago pa man ang appointment ni Angara sa DepEd, sinabi ni Senate President Francis Escudero na mananatiling bakante ang slot ni Angara sakaling siya ang mapiling iupo bilang kalihim ng DepEd, kapalit ng nagbitiw na si Vice President Sara Duterte.
