PAGTITINDA ng longganisa sa mga kapwa maestra, at pagbebenta ng biskwit sa mga estudyante ang karaniwang gimik ng mga public school teachers para madagdagan man lang ang karampot na kita sa pagiging guro.
Ganyan ang paglalarawan ng isang dating kongresista sa kalagayan ng mga public school teachers na lubhang napag-iiwanan sa sahod na hindi man lang sapat para tustusan ang pangunahing pangangailangan.
Ayon kay former ACT Teachers partylist Rep. Antonio Tinio, malaking insulto sa hanay ng mga guro ang datos ng Commission on Audit (COA) kung saan lumalabas na 88 ulit na mas mataas sa buwanang sahod ng mga guro ang ganansya ng mga opisyales ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sa ilalim ng umiiral na wage standardization law, nasa P402 kada taon ang tinatanggap ng isang entry level (salary grade 11) na guro, habang nasa P206,000 naman ang annual salary ng mga pangkaraniwang empleyado ng gobyerno – malayo sa P34.8 milyon na nakuha ng tinaguriang “highest paid government official.”
“Nakakaeskandalo sa mga karaniwang guro at kawani ang ganitong mga sweldo samantalang sila ay hirap na hirap pagkasyahin ang kanilang sahod,” himutok ng dating mambabatas.
Maging si House Minority Leader Rep. France Castro (ACT Teachers Partylist), dismayado sa aniya’y nakakalulang ganansya ng mga BSP officials.
Paglalarawan ni Castro sa bonggang sahod ng mga opisyales ng BSP, isang malaking sampal sa mga guro ng mga pampublikong paaralan.
“It is utterly unacceptable that BSP Governor Eli Remolona Jr. takes home a net pay of P35.48 million, while our teachers are forced to live on a meager salary that is way below the poverty line,” pahayag ng militanteng kongresista.
“We cannot continue to neglect the welfare of our teachers, who are the backbone of our education system. It’s time for the government to prioritize their needs and provide them with a decent salary that reflects their value to society,” pahabol ni Castro.
Una nang nanawagan ang ACT Teachers Partylist sa gobyerno na itaas sa P50,000 ang buwanang sahod ng mga guro.
