Ni LOUIE LEGARDA
SA layong bigyan ng tahanan ang mga maralitang sektor, target ng Palasyo tumukoy ng mga lugar na pwedeng gamitin sa programang pabahay ng pamahalaan.
Gayunpaman, hindi maisasakatuparan ng gobyerno ang pangakong pabahay hanggat hindi pa natutukoy kung alin at gaano kalawak ang lupang pag-aari ng pamahalaan.
Sa isang direktiba, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang imbentaryo sa lahat ng lupa ng gobyerno, kasabay ng direktiba sa tatlong departamento na bumuo ng Inter-Agency Coordinating Council para sa master list na magsisilbing gabay sa isinusulong na pabahay alinsunod sa Philippine Development Plan 2023-2028.
Partikular na tinukoy ng Pangulo ang mga nakatiwangwang na public land sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Batay sa Administrative Order No. 21 na inilabas ng Malakanyang, pamumunuan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) bilang co-chairperson ang Inter-Agency Coordinating Council.
Pasok din sa Inter-Agency Coordinating Council ang Department of Agriculture at DENR-Land Management Bureau.
