Ni Lily Reyes
IPINAMAHAGI ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kabuuang P95,614,400 sa 37,386 katao sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) sa Bagong Pilipinas service caravan kick-off sa apat na probinsiya nitong weekend.
Ang 37,386 AICS beneficiaries ay bahagi ng 322,689 beneficiaries na nakarehistro sa portal ng “Bagong Pilipinas Serbisyo Fair” (BPSF) noong Setyembre 23-24 kick-off sa Ilocos Norte, Camarines Sur, Leyte at Davao de Oro.
Sa report kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, sinabi ni Assistant Secretary Ada Colico ng Statutory Programs under Operations Group na ang Ilocos Norte ang may pinakamataas na bilang ng mga benepisyaryo ng AICS na may 23,456, na sinundan ng Camarines Sur na may 6,132 na kliyente; Davao de Oro na may 4,128; at Leyte na may 3,670.
Sa kabuuang P95.614 milyon sa AICS, nakuha ng mga benepisyaryo ng Ilocos Norte ang lion share na P69.549 milyon; Camarines Sur sa halagang P12,264,000; Leyte-P 7.220 milyon; at Davao de Oro na nakakuha naman ng P6.581 milyon.
“The Bagong Pilipinas caravan is the country’s biggest service caravan aimed at providing major government services to less fortunate Filipinos in various communities across the country,” pahayag ni Secretary Rex Gatchalian nitong Lunes.
Dagdag ng DSWD chief, dadalhin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Bagong Pilipinas service caravan sa lahat ng 82 probinsya sa Pilipinas kasunod ng naging tagumpay sa paglulunsad nito noong weekend.