
HINDI ikinalugod ng ng isang prominenteng kongresista ang pagpapaliban ng Senado sa pinananabikang pagbabasa ng impeachment charges laban kay Vice President Sara Duterte.
Para kay House Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega V pwedeng ihalintulad ang desisyon ng Senado sa pagkakaroon ng “date” na sa hindi inaasahang pangyayari ay mauudlot.
“Naka-ready ka na, nakabihis ka na, tapos hindi pala tuloy yung date mo. Parang ganun yung feeling,” wika ni Ortega.
Ayon sa La Union solon, bagama’t maliit na bagay ang delay, hindi niya maiwasan madismaya lalo’t naghanda na ang Kamara para sa pinakahihintay na presentasyon na unang itinakda sa Lunes, Hunyo 2 ng kasalukuyang taon.
Alinsunod sa pasya ng mataas na kapulungan Hunyo 11 gaganapin ang paglalatag ng sakdal.
Aniya, ang desisyon ni Senate President Francis Escudero ay nagdulot ng pangamba sa nalalabing panahon. Posible rin aniyang magkaroon ng tinawag niyang “conflict of schedule” ng sine die adjournment ng 19th Congress.
“Baka naman hindi kaya masyadong ipit sa oras? Sabagay babasahin naman po yun pero sabi ko nga again, it’s in the hands of the Senate. Leadership call sabi ko nga. Pero ang importante eh mabasa na po itong Articles of Impeachment at ma-receive na rin po sa Senado, call po talaga nila ‘yan,” himutok ni Ortega.
“Ang worry ko lang talaga ‘yung time element. I guess, the representative from the House, sabi ko agahan nyo na lang pumunta doon mga lunchtime siguro. ‘Yun nga lang ang conflict lang, syempre sine die di ba so may closing din sa Congress. So hati na lang sa oras,” dagdag pa niya.
Nang tanungin tungkol sa implikasyon ng pagkaantala sa proseso ng impeachment, sinabi ni Ortega na nagpaliwanag na ang Senado at tinatanggap ito ng Kamara.
“Ayaw ko naman mag-overthink. Parang may explanation naman sila sa letter kung why nila na-moved, so we’ll take it at face value. Sabi ko basta agahan na lang siguro ng mga representatives natin from the House.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)