
HINDI pa man nagsisimula ang pagdinig, posibleng ibasura ng Senado ang impeachment case na kinakaharap ni Vice President Sara Duterte sakaling maghain sinuman sa mga senator-judge ng isang mosyong naglalayong ibasura ang kaso laban sa pangalawang pangulo.
“Wala namang bawal ngang motion. Yon ang problema ko sa maraming nagsasabi na kung ano-ano. Asan ba yung rule? Asan ba yung probisyon sa Saligang Batas o sa rules and impeachment na bawal ang ganito o ganyang klase ng mosyon,” wika ni Senate President Francis Escudero sa mga mamamahayag na dumalo sa ginanap na pulong-balitaan sa senado.
“Hindi mo naman pwedeng pigilan eh dahil collegial body ang Senado bilang impeachment court. Kapag ka may nag-motion at may nag-object, hindi ba sa tagal niyo sa Senado ano bang gagawin? Eh di pagbobotohan,” dugtong ni Escudero
Una nang itinulak noon ni Senador Bato dela Rosa sa plenaryo ang mosyon para ibasura ang Article of Impeachment subalit nauwi sa amyenda hanggang sa pagpasyahan ng mga senador na ibalik na lang ang reklamo sa Kamara habang naghihintay ng sertipikasyon.
Sabi ni Escudero, pagbobotohan ang motion to dismiss sa pamamagitan lamang ng simple majority.
“Always by simple majority ang hindi lamang required ng simple majority two thirds ang kailangan kapag ang pagbobotohan na to acquit or convict,” saad ni Escudero.
Partikular na tinukoy ni Escudero ang Constitutional requirement na 2/3 ng miyembro ng Senate impeachment court ang kailangan para hatulan ang isang impeachable official. (ESTONG REYES)