MALIBAN sa pormalidad, aprubado na sa mga miyembro ng Senate Committee Labor ang panukalang P150 legislated across-the-board na asam-asam ng mga manggagawang Pilipino.
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, kasado na ang Senate Bill 2022 na kanyang inihain sa pagtatapos ng una at huling pagdinig ng komite.
Katunayan aniya, nakatakda na rin ang pagbuo ng technical working group na babalangkas ng mekanismo sa para sa sistema ng pagkakaloob ng dagdag-sahod sa hanay ng mga obrero sa pribadong sektor.
Partikular dito ang ibibigay na dagdag sahod o ang graduated wage increase scheme sa mga manggagawa ng mga Micro Small and Medium Enterprises.
Inaasahang mailalalabas ang Committee Report sa susunod na dalawang linggo at maipapasa ang panukala bago mag-adjourn sa Hunyo.
Sa pagdinig, kinondena ng mga senador ang Department of Labor and Employment dahil nawalan ng ngipin ang batas aspeto ng sahod at benepisyo para sa mga manggagawa.
Batay sa datos, ang kinakailangan sahod ng isang pamilyang may limang miyembro ay P1,161 subalit ang minimum wage ngayon ay P570 lamang sa National Capital Region.