
WALANG kinikilalang relihiyon ang pakikipagkapwa-tao, ayon kay House Speaker Martin Romualdez kasabay ng panawagan para sa taimtim na pananampalataya, pagkakaisa at malasakit sa hudyat ng pagpasok ng banal na buwan ng Ramadan.
“As we welcome the holy month of Ramadan, I extend my warmest greetings to our Muslim brothers and sisters across the country,” pahayag ni Romualdez na tumatayong lider ng 306 miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Binigyan-diin ni Romualdez ang kahalagahan ng Ramadan na aniya’y panahon ng taimtim na pagninilay, panalangin, at pagtitimpi—mga gawi na nagpapatibay ng pananampalataya at nagpapalakas ng pagkakaisa ng mga pamayanan.
“Ramadan is a time of deep reflection, prayer, and self-discipline—a sacred period that strengthens faith and brings communities together. It reminds us of the values that unite us as a people: faith, perseverance, compassion, and unity,” dagdag ni Romualdez.
Kinilala rin ng House Speaker ang matibay na debosyon at dedikasyon ng mga Pilipinong Muslim sa panahon ng pananampalataya.
“Sa buwan ng Ramadan, lalo pang pinatitibay ng ating mga kapatid na Muslim ang kanilang pananampalataya sa Diyos, pagmamahal sa kapwa, at diwa ng pagbibigay. Ang kanilang pagsasakripisyo at taimtim na panalangin ay isang inspirasyon sa ating lahat,” dugtong ng lider-kongresista.
Hinimok din ng Leyte lawmaker ang lahat ng Pilipino na isabuhay ang mahahalagang aral ng Ramadan—pananampalataya, di makasariling pag-aalay, at pagdamay sa kapwa, na aniya’y makakatulong sa pagbuo ng isang mas mahabagin at makatarungang lipunan.
“Sa panahong ito ng banal na pag-aayuno at pananalangin, nawa’y ating pahalagahan ang diwa ng Ramadan—ang pagbabalik-loob sa Diyos, ang pagdamay sa nangangailangan, at ang pagtitiis na may pananampalataya.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)