
BILANG paghahanda ng Kamara sa napipintong impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, binuo ng Kamara ang House Secretariat na tutulong sa Prosecution team sa sandaling sumipa ang pagdinig sa Senado.
Sa Memorandum Order No. 19-1006 (SG), ibinida ni House Secretary General Reginald Velasco ang mabigat na papel na gagampanan ng House Secretariat para tiyakin ang maayos na pag-uusig sa pangalawang pangulo.
“This directive ensures that the prosecution team has access to essential logistical, research, and documentation support to facilitate a smooth and efficient trial process,” wika ni Velasco.
Ang Impeachment Secretariat ay binubuo ng mga kawani mula sa iba’t ibang departamento ng Kamara, tulad ng Office of the Secretary General, Office of the Sergeant-at-Arms, Legislative Operations Department, at Legal Affairs Department. Aniya, hahawakan ng secretariat ang aspeto ng plenary support, legal research, records management, stenographic transcription, information technology, security, at administrative coordination.
Iginiit ni Velasco na ang mga itinalagang kawani ay susunod sa mahigpit na patakaran at alituntunin ng Kamara upang matiyak ang transparency at propesyonalismo sa buong proseso.
“This is a routine function aligned with our constitutional duty. The House Secretariat remains neutral and professional in fulfilling its mandate,” dagdag pa ni Velasco.
Upang matiyak ang pananagutan, ang lahat ng itinalagang kawani sa Senado ay magre-record ng kanilang pagdalo gamit ang itinakdang HousePass monitoring system. Pangangasiwaan din aniya ng mga binanggit na tanggapan ng Kamara ang iskedyul ng mga kawaning pasok sa House Secretariat.
“As the impeachment process moves forward, the Impeachment Secretariat will continue to provide the necessary support to uphold the integrity of the proceedings,” pahabol ni Velasco. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)