PARA kay Senador Bong Go, malaking kawalan sa Department of Health (DOH) ang pagsipa ni Secretary Teodoro Herbosa sa tatlong undersecretaries na ang tanging kasalanan ay tumupad sa sinumpaang tungkulin — ang magsilbi ng buong katapatan.
“It has come to my attention that three Undersecretaries of the Department of Health are no longer affiliated with the DOH. Nanghihinayang ako na wala na sa DOH silang maituturing nating asset ng gobyerno dahil sa kanilang karanasan at angking galing,” wika ni Go sa isang pahayag.
“Ang ilan sa kanila ay mga doktor na malaki ang naiambag sa pagpapatupad ng Universal Health Care Act at nagsilbing mukha ng gobyerno noong kasagsagan ng nakaraang pandemya,” paliwanag ng senador na tumatayong chairman ng Senate Committee on Health.
Giit ni Go, higit na kailangan ng kagawaran ang mga opisyal sa DOH na may karanasan, kwalipikasyon at dedikasyon sa panahong patuloy na pinapalakas ang healthcare system sa bansa at inilalapit ang mga serbisyong pangkalusugan sa mga maralitang Pinoy.
Kabilang sa mga tinukoy na opisyales na sinibak ni Herbosa sina Usec. Maria Rosario Singh-Vergeire, Kenneth Ronquillo at Achilles Gerard Bravo na pawang career executive service officials (CESO).
Ang masaklap pa aniya, tikom ang bibig ng departamento sa dahilan ng pagkakasibak ng tatlong career executive service officials.
