Ni ESTONG REYES
SA kabila pa ng pagtatala ng mataas na preferential rating sa mga nakalipas ng survey, walang plano si Senador Raffy Tulfo tumakbo para sa posisyon ng Pangulo sa 2028 presidential election.
Ayon kay Tulfo, masaya na siya sa pagiging senador.
“Wala sa utak ko ang pagtakbo as president sa 2028. Naka-focus ako ngayon sa Senado. I’m enjoying being a senator,” pahayag ni Tulfo sa panayam sa ANC.
Para sa senador na higit na kilala sa pagiging birador na brodkaster, sakit lang ng ulo ang pwesto sa Palasyo.
“Sakit sa ulo lang yan. Sa ngayon pa nga lang, ang dami ko nang sakit sa ulo. Left and right ang daming nagagalit sa akin because of all these surveys,” dugtong ni Tulfo, kasabay ng paglilinaw hinggil sa mga tinawag niyang fake news na laganap sa social media.
Nakatanggap din umano siya ng matinding pagbatikos dahil sa ilang fake news na lumalabas sa social media.
Batay sa resulta ng iba’t ibang survey, pinakamataas ang naniniwalang malaki ang tsansa nina Tulfo at Vice President Sara Duterte na maging susunod na Pangulo.
Kung tatakbo man ulit si Tulfo – “Sa 2028, reelection at the most ang puwedeng gagawin ko.”
Sakali naman tumakbong senador si ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo, wala rin siyang planong hadlangan ang pangarap ng nakababatang kapatid na kongresista.
“That’s his decision. I cannot stop him. Hindi ko siya hawak sa leeg. Kung gusto niyang tumakbo, nanalo siya so be it.”
