HINDI nagpatinag ang Social Security System (SSS) sa kabi-kabilang batikos at patutsada kaugnay ng planong dagdag-singil sa mandatory contribution ng mga empleyado sa pribadong sektor.
Sa isang pulong-balitaan sa Palasyo, nanindigan si SSS President at Chief Executive Officer Robert Joseph de Claro sa kahalagahan maipatupad ang pagtaas sa buwanang butaw ng mga manggagawa.
Ayon kay de Claro, tuloy ang implementasyon ng dagdag-singil sa buwanang kontribusyon ng mga SSS members.
Paliwanag ng opisyal, para sa mga manggagawa ang naturang hakbang. Aniya, ang pagpapaliban sa paniningil ng dagdag kontribusyon ay magdudulot ng problema sa mga miyembrong aniya’y mahihirapan makakuha ng benepisyong dapat nilang matanggap – alinsunod sa Republic Act 1199.
Malaki rin aniya ang magiging pakinabang ng mga miyembro sa sandaling ganap nang magretiro.
Tinatayang papalo sa P51.5 bilyon ang dagdag koleksyon ng SSS ngayong taon. Sa naturang halaga, 35% o P18.3 bilyon ang direktang mapupunta sa Mandatory Provident Fund (MPF) accounts ng SSS members.
