HINDI umano katanggap-tanggap na habang may mga Pilipinong nagugutom ay nakakasanayan ng mga mamamayan ang pagtatapon at pagsasayang ng sobrang pagkain.
Bilang pambungad na hakbang, inihain sa Kamara ang House Bill No. 2196, o ang Food Waste Reduction, “na nagtatatag ng mekanismo upang mabawasan ang bilang ng nakararanas ng ‘involuntary hunger’ sa bansa.”
Sa ilalim ng nasabing panukala, magkakaroon ng isang pambansang sistema na mag-uutos sa mga food manufacturer, supermarket, restaurant, hotel, at culinary schools na i-segregate ang kanilang edible surplus at ibigay ito sa mga accredited food bank.
Dadaan sa inspeksyon ng lokal na health official ang mga donasyong pagkain bago ito ipamahagi sa food banks. Kailangan din umanong may ugnayan ang Department of Social Welfare and Development at local government unit (LGU) bago ang pamamahagi.
Inaatasan din ng panukala ang mga lokal na pamahalaan na i-recycle ang hindi na makakain na food waste at makipag-ugnayan sa mga waste management enterprise upang gawing pataba o compost ang mga ito—isang hakbang upang mabawasan ang basura sa landfill at masuportahan ang sektor ng agrikultura.
Tampok din sa panukala ang pagbibigay ng proteksyon laban sa pananagutan sa mga sertipikadong nag-dodonate ng pagkain kapag naipasa na ang kanilang sobrang pagkain sa mga accredited na food banks.
Ang kahalagahan ng probisyong ito ay “tinatanggal ang pangunahing hadlang” na pumipigil sa pagdating ng surplus food sa mga komunidad na higit na nangangailangan. (ROMER R. BUTUYAN)
