WALANG dahilan para isalang ang hepe ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) na sinasabing namahala sa paggastos ng confidential funds na inilaan sa tanggapan ng pangalawang pangulo. Sa isang pulong-balitaan, partikular na tinukoy ni lead prosecutor Gerville Luistro si Col. Raymund Dante Lachica na nagpahayag ng kahandaan tumayong testigo sa isinasagawang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte. Para kay Luistro, hindi na kailangan ipatawag sa impeachment court si Lachica — “I will be very honest with you. I am more inclined not to present Lachica and Nolasco.” “My position is simple. Is there misuse? When Gina Acosta said that she turned over the entire amount to the security officer, who is a non-accountable officer, is there misappropriation? Is there irregular liquidation? For me, Gina Acosta’s testimony is clear,” paliwanag ng kongresista mula sa lalawigan ng Batangas. Aniya, mas praktikal na hintayin na lang ang testimonya ng isa pang hostile witness — si former Department of Education (DepEd) special disbursing officer Edward Fajarda, kaugnay pa rin ng alegasyon sa maling paggamit sa P112.5 million confidential fund ng kagawaran sa panahon ng panunungkulan bilang kalihim ng nasabing ahensya. Sa panig ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua, sinabi niyang patuloy na kinokonsidera si Lachica, subalit dapat muna nilang malaman at timbangin ang magiging salaysay ng koronel ay makadagdag sa mga ebidensyang naiprisinta na sa korte. “Kung sa tingin namin matibay na ito, bakit ka maglalagay ng testigo na hindi ka naman sigurado kung ano ang sasabihin?,” ani Chua. “Kahit na anong paliwanag ang gawin ni Col. Lachica, maliwanag na hindi siya otorisado na mag-disburse. At dito maliwanag na merong misuse at may violation na sa Joint Circular,” dagdag ng Manila solon. Sa nakaraang pagdinig, maging si Senate impeachment court Presiding Officer Sen. Francis Escudero ay inilarawan na “starring” palagi sa testimonya ni Acosta si Lachica. Una nang inamin ni Acosta ang pagbibigay ng P500 milyon (na in-encash sa bangko) kay Lachica, alinsunod sa utos ng pangalawang pangulo. Aminado rin si Acosta na kahit siya ang SDO, si Lachica ang pinamahala ni Duterte sa naturang pondo at ang isinumiteng liquidation report ay base lamang sa mga dokumento at detalyeng ibinahagi ng VPSPG chief. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation OVP disbursing officer, tagasunod lang ni Sara P1k monthly pension sa mga senior, mungkahi ni Aquino