KUMBINSIDO si Deputy Speaker at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V na may kaugnayan sa kinakaharap na impeachment charges laban kay Vice President Sara Duterte ang anunsyo sa pagtakbo sa posisyon ng pangulo pagsapit ng 2028 presidential derby.
Sa isang kalatas, tahasang sinabi ni Ortega – isa sa endorsers ng verified complaints laban sa bise-presidente – na hindi naman siya nababahala sa naturang deklarasyon.
“Hindi naman ako nasindak,” bulalas ng ranking House official at kabilang sa tinatawag na “Young Guns” ng Kamara.
“As far as I know, siguro iyun ang tactics nila, iyun ang taktika nila, iyun ang diskarte nila. Pero ako kasi I can only speak for myself parang wala namang epekto sa akin ‘yung pag-declare nya ng presidente, kahit sino naman pwedeng gawin ‘yun,” dugtong ni Ortega.
Ayon sa La Union lawmaker, posible talagang planado na rin ng kampo ni Duterte ang pagdedeklara at nakikita niyang isa itong political-hype upang mapag-usapan ang huli.
“Parang matagal naman na siya nagpaparamdam. Wala naman actually bago doon. Kumbaga, may paramdam na siya dati. Siguro ngayon lang talaga siya formally na-announce,” ani Ortega.
“So baka she felt the need to announce or make an announcement para pag-usapan. Kasi medyo tahimik siya ng mga nakaraang buwan… So baka kailangan ng hype,” paglalahad pa niya.
Binigyan-diin ni Ortega na sa naging hakbang ng bise presidente ay mas kumpyansa siya sa pag-endorso ng impeachment complaint laban sa pangalawang pangulo dahil mas kinakailangan aniyang matalakay sa Kamara ang mga kinakaharap na reklamo. (ROMER R. BUTUYAN)
