KASAMA ang isang abogado, nasa 18 sundalo ang lumutang para muling idiin sa tinaguriang flood control scandal si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang pulong-balitaan, ipinrisinta ng isang Atty. Levi Baligod ang 18 dating miyembro ng Philippine Marines at mga dokumentong umano’y patunay na tinanggap ni Marcos ang hindi bababa sa P805 bilyong kotong mula maanomalyang flood control projects ng pamahalaan.
Ayon kay Baligod, pawang mga kasama ni retired Marine Master Sergeant Orly Guteza ang 18 sundalong umano’y naghatid ng male-maletang pera na sinakay sa van at eroplano patungo sa iba’t ibang destinasyon.
Unang lumutang si Guteza sa senate blue ribbon committee hearing kaugnay ng flood control scandal noong Setyembre ng nakalipas na taon.
Sa naturang pagdinig, hayagang inamin ni Guteza ang paghahatid ng pera kay Romualdez at maging sa punong ehekutibo.
“Ang ugat at pinuno ng pagnanakaw sa ating bayan ay walang iba kundi si President Marcos, at hindi gagalaw si [dating] Speaker [Martin] Romualdez at si Zaldy Co na walang pahintulot kay PBBM (President Bongbong Marcos),” wika ni Baligod.
“Ngayon po ay lumabas ang mga dating kasamahan ni master sergeant Orly Guteza sa trabaho bilang security consultant o security personal ni dating congressman Zaldy S. Co.”
“Ang mga sundalong ito ay wala na sa serbisyo, ngunit ang nasabi nila sa akin, ito ang marahil na huling labanan na kanilang papasukin. At gusto nilang magpaka-sundalo sa ating bayan,” dugtong ng abogado.
Aniya, hindi lang minsan naghatid ng pera kay Marcos at Romualdez ang mga ipinrisintang sundalo — “Daan-daang deliveries po ang nangyari.”
