MATAPOS ulanin ng batikos bunsod ng kabiguan ng administrasyon ipasok sa kulungan ang mga prominenteng kaalyado sa kongreso bunsod ng malawakang korapsyon, muling nangako ang Palasyo.
Sa isang kalatas, tiniyak ni Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Dave Gomez na mas marami ang makukulong sa sa pagpasok ng bagong taon.
Pag-amin ng Kalihim, hindi natapos noong Disyembre 25 ang imbestigasyon ng Independent Investigation Commission (ICI), kasabay ng pagtitiyak na tuloy tuloy ang pagtugis ng administrasyon sa mga dorobo sa gobyerno.
Bukod sa target na iselda ang mga korap sa pamahalaan, gagawin aniya ng pamahalaan ang lahat ng paraan para mabawi ang ninakaw na kaban ng bayan.
“There will surely be more thrown behind bars in the New Year,” wika ni Gomez.
Samantala, hinikayat ni Gomez ang publiko na huwag madaliin ang pagpapakulong sa mga tiwali sa pamahalaan, lalo pa aniya’t apat na buwan pa lamang nang sumipa ang giyera kontra katiwalian ng inilunsad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (LOUIE LEGARDA)
