HAYAGANG sinopla ng isang militanteng kongresista si Palace Press Officer Claire Castro hinggil sa P4.5-bilyong confidential and intelligence fund (CIF) na itinutulak sa ilalim ng 2027 Expenditure Program (NEP) na isinumite sa Kongreso. Partikular na tinukoy ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers partylist Rep. Antonio Tinio ang pahayag ni Castro na “very transparent” ang Office of the President sa paggamit sa CIF. “Ano raw? Very transparent? Talaga itong si Usec. Castro, tatawaging puti ang itim, madepensahan lang ang bilyones na confidential and intelligence funds ng Presidente,” wika ni Tinio. Batay sa 2027 NEP, pumalo sa P4.5 billion CIF ang hirit ng Palasyo para sa susunod na taon — bukod pa sa regular budget ng Office of the President. Sa kabuuan, aabot umano sa P10.1 billion ang magiging budget ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa huling bahagi ng kanyang termino. Sa laki aniya ng naturang halaga, tinangka pa ng Makabayan bloc busisiin ang naturang CIF na hirit para sa Office of the President. Gayunpaman, mas nanaig umano ang nais ng mayorya — na bigyan ng inter-parliamentary courtesy ang tanggapan ng pangulo. “Paanong transparent? Samantalang walang kaalam-alam ang publiko kung para saan ginagastos ang Php 4.55 billion na CIF ng Office of the President kada taon, labas pa sa ibang mga ahensya na may CIF?” Hindi rin pinalampas ni Tinio si Executive Secretary Ralph Recto. Una nang ibinida ni Recto ang “unmodified opinion” ng Commission on Audit (COA) sa CIF ng pangulo. “Huwag kami. Ganyang-ganyan din ang sinabi ng Office of the Vice President sa mga nagkukuwestiyon sa Confidential Funds nito. Ngayon lantad na ang garapal na pang-aabuso ng OVP sa kabila ng so-called unmodified opinion,” ani Tinio. Sa ilalim aniya ng umiiral na batas, obligasyon ng mga ahensyang may confidential funds na magsumite sa Kongreso ng quarterly accomplishment report sa pinaggamitan ng pondo. “Kung totoo ngang transparent, isapubliko ng Presidente ang detalyadong quarterly accomplishment reports para sa mahigit 18.2 billion na confidential and intelligence funds ng Office of the President mula 2023 hanggang 2026,” ani Tinio. “Nakakalula ang halagang ito kaya deserve ng mamamayan ang paliwanag. Kung anong pagbusisi sa confidential funds ng Bise Presidente, dapat ganun din sa Presidente. Otherwise, their so-called transparency is just fake news.” Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation 5 testigo sa spy fund ni VP Sara, hirit ng prosekusyon