PARA kay Health Secretary Ted Herbosa, napapanahon nang baguhin ang pangalan ng pinamumunuan ahensya.
Hirit ni Herbosa, idugtong ang katagang “wellness.” Sa halip aniya na Department of Health, dapat na aniyang tawaging Department of Health and Wellness – mungkahing suportado ni DOH Assistant Secretary Albert Domingo.
“The proposal to rename the Department is a sound idea floated by the Secretary, anchored on a broad understanding of the ultimate goal of public health,” sambit ni Domingo, “That is the essence of wellness,” aniya pa.
Sa bokabularyo ng World Health Organization (WHO), ang katagang “health” ay nangangahulugan ng “state of complete physical, mental and social well-being and not merely the absence of disease or infirmity.”
Gayunpaman, nilinaw ng nabanggit na opisyal na dadaan pa rin sa pag-aaral ang hirit ng Kalihim ng DOH.
Samantala, nanindigan si Herbosa sa mungkahing palit pangalan ng ahensya. Paliwanag ng DOH chief, higit na angkop palawigin ang pang-unawa ng publiko sa larangan ng kalusugan.
Paliwanag ng Kalihim, mas mainam na tutukan na rin ng kagawaran ang primary care bago pa man mauwi sa karamdaman ang iniinda ng mga mamamayan.
Sa gayung paraan aniya, hindi na kailangan pang umabot sa pagamutan dahil lang nawaglit ang pinakamahalagang elemento sa kalusugan – ang tinatawag na prevention o pag-iwas bago pa lumala ang sitwasyon.
“Ako ‘yung nagmungkahi nun. Ang gusto kong maging pangalan sana ng DOH ay Department of Health and Wellness. Kasi dito sa Universal Health Care, pinu-push naming ang primary care, yung ime-maintain mo ‘yung wellness mo, hindi yung may sakit ka pupunta ka emergency room. So ang ideya nito is ma-promote yung being healthy and wealth. Kasi pag wealth tayo, illness lagi ang pinag-iisipan,” ani Herbosa.
