MAS pinatibay ng bansang China ang presensya sa West Philippine Sea kung saan nagkalat na ang mga dambuhalang barko ng naturang bansa.
Katunayan pa anang Philippine Navy, mistulang naval base na ng bansang China ang Panganiban Reef (Mischief Reef) kung saan di umano nakagarahe ang mga dambuhalang sasakyang-dagat ng China.
Sa ulat ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, maging ang tinaguriang monster ship ng Chinese Coast Guard, namataang nakahimpil sa naturang bahagi ng West Philippine Sea.
Kung pagbabatayan aniya ang galaw ng Chinese Coast Guard at People’s Liberation Army Navy ng naturang bansa, umiikot lamang sa loob ng 200-nautical mile Philippine Exclusive Economic Zone (EEZ) ang mga mga barko ng China.
Para kay Trinidad, maituturing na “normal pattern” ng mga pwersa ng China sa WPS, ang mag palit-palit lang ng posisyon, kasabay ng paglilinaw na wala naman aniya sa ngayon kakaibang pagkilos ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga tropa China.
Gayunpaman, tiniyak ni Trinidad ang patuloy na pagbabantay ng AFP sa paglalayag ng pinakamalaking barko ng CCG, at pag-antabay sa presensya ng People’s Liberation Army Navy gayundin ang Chinese Maritime Militia sa teritoryong pinagtatalunan.
