Ni ESTONG REYES
MATAPOS ang mala-pelikulang tagpo sa loob ng bulwagan ng Senado, masusing pinag-aralan ni Senador Nancy Binay ang paghahain ng reklamo laban sa kapwa mambabatas dahil sa aniya’y pambabastos ni Senador Alan Peter Cayetano.
Partikular na target ni Binay ang paghahain ng ethic complaint laban Cayetano matapos ang hayagang pagtukoy sa kanyang pangalan bilang “Marites” na nangangahulugang tsismosa sa lengwahe ng bagong henerasyon.
Katunayan pa ayon kay Binay, inatasan na niya ang kanyang legal team na pag-aralan ang paratang ni Cayetano at himayin ang mga kasong pwedeng isampa laban sa kapwa senador.
Una nang nagkaroon ng mainitang pagtatalo sina Binay at Cayetano sa ginanap na pagdinig ng Senado hinggil sa lumobong badyet ng New Senate Building, .
Sa unang pagdinig pa lang ng komite na pinamumunuan ni Cayetano, inurot ni Binay si Cayetano kung paano nakarating sa P23 bilyon ang kwenta ng naturang mambabatas sa halagang ginastos para sa New Senate Building.
Sa halip na sagutin, bumuwelta si Cayetano sa bisa ng isa pang tanong – kung bakit tumagal ng 852 araw sa kanyang tanggapan ang mga dokumento, sukdulang maantala ang proyekto.
Dito na nagpalitan ng patutsada ang dalawang senador hanggang sa napikon at nagwalk-out si Binay.
“I have to talk to my staff kung kailangan ba mag-file ng complaint sa ethics [committee],” ayon kay Binay. “Pag-aralan natin. I have to check with my legal team kung kailangan pa.”
“Based on the number of years naming dalawa, siya yung senior ko. So dapat siya nga yung mas alam niya yung how to conduct a hearing, yung pagiging statesman. Pero parang kahapon, nagulat din ako na yung pangalan ko, from Lourdes ginawa niyang Marites,” aniya sa interview.
Base sa dokumento ng Department of Public Works and Highways (DPWH), sinabi ni Binay na umabot lamang sa P21 bilyon ang halaga ng gastusin sa new Senate building mas mababa sa P23 bilyon base sa pagtutuos ni Cayetano.
Pero, ayon kay Cayetano, kanyang pinagbasahen ang report ng DPWH na kanyang tanggapan nitong Lunes lamang, dalawang araw bago magkaroon ng pagdinig.
“Tuwing nagpapaliwanag na yung DPWH, pag hindi niya (Cayetano) gusto yung sagot, hinihinto na niya yung resource person. So basang-basa na, this is not about knowing kung paano matatapos yung building,” ayon kay Binay.
Ipinaratang ni Binay na maaaring kabuntot ang Senate building issue ng Makati at Taguig na pawang balwarte ng naturang pamilya.
Pinangunahan ni Cayetano noong 2015 ang imbestigasyon sa Senado hinggil sa Makati parking building na kinuwestiyon si dating Vice President Jejomar Binay dulot ng lumobong halaga ng gusali.
“The characters noong 2015, same ingredients, same senator. May building, may hearings… tingnan natin kung paabutin niya ba ito ng 27 hearings para ma-break yung record na ginawa niya noong 2015 sa pamilya ko,” ayon kay Sen. Binay.
Sinabi ni Binay na hindi na kailangan pa ang pagdinig at maaaring matugunan o masagot ang lahat ng kuwestiyon sa Senate building sa isang pulong na dadaluhan ng media.
Sa pagdinig ng komite nitong Miyerkules, inamin ng DPWH na naantala ang pagpapatayo ng NSB sanhi ng ilang pagbabagong inabutan ng pagtaas ng kabuuang gastusin sa proyekto.
Kasalukuyang sinusuri ng komite ang P23 bilyong halaga ng estimated cost ng proyekto na naantala ang pagpapatayo bago magkaroon ng palitan ng liderato sa Senado nitong Mayo.
“Kasi may mga nagpapalabas na dine-delay namin ito ni Senator Escudero,” aniya.
Bukod dito, sinabi rin ni Cayetano na 852 araw ng naantala ang proyekto.
Ipinaliwanag ni DPWH Project Director Soledad Florencio na ang Extension of Time (EoT) o na-delay sanhi ng ilang variation order ng Senado at patuloy na ilang pagbabago sa proyekto kaya hindi matukoy kung kailan matatapos ang gusali.
Nagresulta ito sa mahigit P78 milyong halaga ng bagong singil sa EoT sa loob ng tinatayang P800 milyong halaga para sa buong variation order ng proyekto.
Kwinestyon din ni Cayetano ang karagdagang design fees na nagkakahalaga ng P173 milyon na bukod pa sa P258 milyon na orihinal na design fee ng proyekto.
Binigyang-diin ng senador na maaaring maiwasan ang mga delay at karagdagang gastos kung nakipag-ugnayan sana ang DPWH sa Senate Coordinating Team (SCT) bago tapusin ang Detailed Architectural and Engineering Design o DAED ng proyekto.
“Hindi niyo kinausap ang Senado before DAED, that’s why nagkaroon EoT. Kinausap niyo senado after DAED that’s why nag ka-VO at kaya may EoT [cost] ka na napakalalaki,” pahayag ni Cayetano.
“On hindsight, avoidable ito . Pwedeng walang RDAED [revised DAED] kung nag usap,” dagdag niya.
