HINDI pwedeng dedmahin ang mga pasabog na pinakawalan ng 18 dating sundalo kaugnay ng katiwalian sa gobyerno.
Gayunpaman, nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na maaari lamang umano gamitin ebidensya ang mga isiniwalat na impormasyon kung magsasampa ng reklamo ang mga dating miyembro ng Philippine Marines.
Paliwanag ni Atty. Polo Martinez na tumatayong tagapagsalita ng DOJ, sa ngayon aniya hindi maaaring gumalaw ang kagawaran dahil wala naman umanong basehan para magsagawa ng preliminary investigation.
Sa kabilang banda, pwede rin naman umanong malagay sa alanganin ang mga dating miyembro ng Philippine Marines sakaling may isang law enforcement agency ang maghain ng reklamo sa departamento.
Sa isang pulong-balitaan kamakailan, inamin ng mga dating sundalo ang paghahatid ng limpak-limpak na salapi kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dating House Speaker Martin Romualdez at dating Congressman Zaldy Co. (JULIET PACOT)
