
WALANG puwang sa gobyerno ang mga oligarkong ginagamit lamang ang pwesto para isulong ang sariling interes, ayon sa militanteng grupo ng kongresista sa Kamara de Representantes.
Target ni ACT partylist Rep. France Castro isalang sa congressional inquiry si Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Ma. Antonia Yulo-Loyzaga sa aniya’y interes ng pamilya sa 40,000-ektaryang hacienda sa lalawigan ng Palawan.
Pag-amin ni Castro, dumulog sa kanyang tanggapan ang mga kinatawan ng hindi bababa sa 1,000 magsasakang benepisyaryo sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na isinusulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa hangaring palakasin ang sektor ng agrikultura.
Para sa militanteng kongresista, hindi na dapat aniyang tinanggap ni Yulo-Loyzaga ang pwesto sa kagawaran lalo pa’t kabilang ang Yulo King Ranch sa mga petisyong nirerebisa ng DENR para isalin sa Department of Agrarian Reform (DAR) na inatasan naman magpamahagi ng lupa sa mga magsasaka.
Katunayan pa aniya, si Yulo-Loyzaga ang itinalagang executor sa mga pinamanang pag-aari ng yumaong ama – ang crony na si Luis Yulo. Bukod sa Yulo King Ranch, nasa ilalim din ng pangangasiwa ni Yulo-Loyzaga bilang executor ng YKR Corporation ang malawak na lupain sa mga lalawigan ng Masbate at Laguna.
Taong 2014 nang maglabas ng ulat ang National Fact Finding and Solidarity Mission (NFFSM) hinggil sa Yulo King Ranch na tinawag na “largest agrarian reform anomaly in the country.”
Sa tala ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama), hindi bababa sa 1,000 magsasakang benepisyaryo ang pinagkaitan ng lupang sakahan batay sa probisyong kalakip ng Republic Act 6657 na mas kilala sa tawag na CARP Law.
“Taong 1930 pa lang, nagbubungkal na ng lupa ang mga magsasaka sa mga bayan ng Coron at Busuanga bago pa man dumating sa Palawan ang YKR,” pahayag ni Orly Marcellana na tumatayong tagapagsalita ng alyansang Kasama.
Kabilang sa mga dumulog ang mga magsasaka mula sa mga Barangay Decalachao, Guadalupe, San Jose, San Nicolas sa Coron at mga BArangay ng Quezon, New Busuanga, Cheey and Sto. Nino sa karatig bayan ng Busuanga.
Samantala, hinikayat ni Castro ang mga apektadong magsasaka na manindigan kontra sa mga oligarkong walang kinikilalang batas, kasabay ng pagtitiyak na patuloy na babantayan ng Kongreso ang aksyon ng gobyerno.
Kamakailan lang, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella na paspasan ang pamamahagi ng lupa sa mga magsasakang benepisyaryo ng CARP.
“To sustain what we have achieved in the agrarian reform, I ask the DAR to complete the distribution of lands to their deserving owners while collaborating with all the agencies of government to support our beneficiaries in anything that they might need,” wika ng Pangulo.