DEKADA pa ang bibilangin ng mga magbubukid bago pa tuluyang pakibnabangan ang prrogramang irigasyon ng pamahalaan sa mga sakahan.
Sa kalatas ng grupong Amihan National Federation of Peasant Women at Bantay Bigas, nasa 65% pa lang ang irrigation development na nila’y dahilan sa likod ng mababang produksyon ng mga magsasaka.
Ayon kay Cathy Estavillo na tumatayong tagapagsalita ng dalawang grupo, nananatiling problema ng mga magbubukid kung saan kukuha ng patubig para sa kanilang sakahan.
Batay sa datos ni Estavillo, taong 1981 pa nang umpisahan ng National Irrigation Administration (NIA) ang pagpapagawa ng mga patubig na tutugon sa kailangan sa mga sakahan.
Subalit matapos ang 41 taon, 65% lamang sa 3.1 ektaryang pasok sa kategorya ng irrigatable farm ang natubigan.
Kahit ang Central Luzon na tinaguriang food basket of the Philippines, nasa 73% pa lamang aniya sa irrigatable farm ay may irigasyon – at sa naturang antas, 66% lang ang napupunta sa mga taniman ng palay.
Pangamba ni Estavillo, higit pa ang kinakaharap ng problema ng mga magsasaka sa pagpasok ng El Nino Phenomenon na aniya’y hudyat ng mas kauntting pag-ulan.
Sa karanasan aniya ng mga magsasaka sa lalawigan ng Occidental Mindoro noong 2019, bumagsak ng 20% ang aning palay bunsod ng pananalasa ng El Nino. Sa halip na 110 sako ng palay, mahigit 80 kaban na lang ang ani sa kada ektaryang taniman
Nadagdagan din aniya ang gastos ng mga magsasaka sa panahon ng tagtuyot dahil napipilitan gumamit ng deep well na magastos umano sa gasolinang kailangan para paganahin ang makinang panghigop.
“Sa ngayon, maraming kinakaharap ang rice farmers mula sa epekto ng RA 11203 o Rice Liberalization Law at importasyon. Dagdag pasanin ang epekto ng tagtuyot sa kanilang kabuhayan. Dapat seryosong harapin ng gobyerno ang usapin sa pagkawala ng kabuhayan at pagkalugi ng mga magsasaka dahil sa tagtuyot at liberalisasyon sa agrikultura.”