MARIING kinastigo ni AnaKalusugan Partylist Rep. Ray T. Reyes ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), partikular si General Manager Mel Robles kaugnay ng pagtaas ng tumataginting na 1,689 percent ang advertising budget ng naturang ahensya ngayong taon.
Bukod dito, dismayado rin ang neophyte partylist solon, na siya ring vice-chairperson ng House Committee on Health, sa kabiguan ni Robles na dumalo sa pagdinig ng House Committee on Appropriations para sa 2004 budget ng PCSO.
“This is unacceptable. Narito tayo para pag-usapan ang management ng PCSO ngunit wala ang top manager para ilahad ang naging pangangasiwa at mga plano para mapabuti ang lagay ng ahensya sa hinaharap,” mariing pahayag pa ni Reyes.
“Sa darating na congressional inquiry, inaasahan natin na finally dadalo na siya, because his continuous snub of our invitation has angered several congressmen who have found it insulting that he cannot personally be present and accountable to answer all our questions,” paggigiit ng AnaKalusugan party-list solon.
Ayon kay Reyes, nais niyang maipaliwanag ni Robles kung bakit mula sa P19 million lamang na advertising expenses ng PCSO noong 2022 ay biglang lumobo ito sa P340 million ngayon taon.
Ito’y sa kabila ng mga lumabas n ulat kung saan sinasabing nakapagtala ang nasabing government-owned and controlled corporation (GOCC) ng tinatayang pagkalugi na P938 million para sa taong 2023.
“Pinagpapaliwanag po natin ang PCSO kung bakit kahit lumobo sa P340 milyon ang advertising expenses nito ngayong taon, mas nalugi pa sila. Compare this to 2022, where the PCSO spent only Php 19 million in advertising pero mas malaki pa ang kinita nila,” sabi pa ni Reyes.
Giit ng mambabatas, kailangang ilatag ng mahusay ng PCSO ang mga prayoridad nito at mas higit na pagtuunan ng pansin ang pagkakaloob ng iba’t-ibang tulong at mahahalagang serbisyo sa mga Pilipino.
“Maybe they need to rethink how they spend their advertising budget and divert this to the actual mandate of PCSO which is on charity,” mungkahi ni Reyes.
“If the advertising didn’t work, nakakapanghinayang dahil malaking halaga din ang 340 million. Ilang ambulansya na sana ang naipamigay sa mga nangangailangang komunidad, o di kaya medical assistance at gamot para sa libo-libong kababayan natin,” pagtatapos ng solon.