HINILING ni House Committee on Health Vice Chairperson at AnaKalusugan Party-list Rep. Ray T. Reyes sa Department of Health (DOH) na mamigay ng libreng facemasks sa mga residenteng apektado ng ibinugang abo at gases o vog ng Taal Volcano.
Bukod dito, umapela rin ang kongresista sa naturang ahensya na pagkalooban ng N95 face masks at iba pang protective equipments ang mga lokal na pamahalaan at komunidad na posibleng makaranas ng vog incidence.
“Let us be proactive. Kahit na humupa na kahit papaano ang vog sa paligid ng bulkan, kailangan po natin maging handa lalo na’t nasa alert level one pa rin ang Taal,” giit pa ni Reyes.
Ginawa ng AnaKalusugan party-list solon ang pahayag kasunod ng kanilang face mask donation operations sa mga bayan ng Nasugbu, Tuy, at Balayan sa lalawigan ng Batangas.
“Anakalusugan’s advocacy has always been centered around bringing healthcare closer to the people. Apart from our regular medical and dental missions, we make it a point to always help affected residents whenever health emergencies arise,” Sabi pa ni Reyes.
Base sa ulat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang vog mula sa Taal volcano ay nawala na matapos ang patuloy na pag-uulan at thunderstorms.
Subalit ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) Director Teresito Bacolcol, posibleng pa ring maranasan ang pagkalat ng vog dahil patuloy pa ring
nagkakaroon ng sulfur dioxide emissions, na may kasamang plumes ang Bulkang Taal na umaabot sa taas na 1,800 meters.
Kaya naman binigyan-diin ni Reyes na bukod sa DOH, dapat maging alerto rin at handa sa agarang pagbibigay ng kinakailangang tulong sa mga maapektuhang residente ang iba pang kinauukulang ahensya ng pamahalaan.