Ni ESTONG REYES
KUNG pagbabatayan ang ginawang pagbabago sa pangalan ng partido, malinaw na walang alyansang mabubuo sa pagitan ng administrasyong Marcos at lapian ni former President Rodrigo Duterte.
Sa ginanap na national convention, pinagtibay ng mga miyembro ng Partido Demokratikong Pilipino – Laban (PDP-Laban) ang pinaikling pangalan ng pinakamalaking political party sa ilalim ng termino ni Duterte.
Mula sa dating PDP-Laban, kikilalanin na lang bilang PDP ang lapiang pinamumunuan ng dating Pangulo – bagay na inalmahan naman ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III.
Para kay Pimentel, mas mainam kung nagbuo na lang ng bagong partido si Duterte kesa naman baguhin ang pangalan ng lapian.
“Nagbuo na lang sana sila ng bagong political party from the very start kaysa sa ginulo nila yung tunay na PDP-Laban,” patutsada ni Pimentel – anak ng yumaong former Senate President Aquilino Pimentel Jr. na nagtatag ng PDP-Laban.
Partikular na tinukoy ng senador ang pagkakawatak-watak ng PDP-Laban matapos bumuo ng sariling paksyon sina Duterte at former Energy Secretary Alfonso Cusi, bagay na idinulog ni Pimentel sa Commission on Elections (Comelec).
Ang resulta – pinaboran ng Comelec ang grupo nina Duterte at Cusi.
