PINAG-IINGAT ng Office of the Vice President (OVP) ang publiko sa gumagamit ng pangalan at larawan ni Vice President Sara Duterte na nagsasabing nagbibigay ito ng cash at libreng groceries at nakapost sa social media.
Peke umano ito at walang programa ng bise president sa pagbibigay ng ganitong ayuda sa publiko ngayong Kapaskuhan.
Sa post, hinihikayat ang publiko na pindutin ang kahina-hinalang link na nagtatampok sa alok di umano ni VP Sara na magbibigay ito ng libreng cash at groceries.
“Ipinapaalam ng Office of the Vice President sa publiko na ang social media promo na ito ay panloloko o scam,” ayon sa kalatas ng OVP.
“Hindi ito programa ni Vice President Sara Duterte o ng OVP. Kung kayo ay may impormasyon hinggil dito, ipagbigay alam agad sa mga pulis,” ayon pa rin sa OVP.
Nauna rito, nito lamang Setyembre, iniulat ng Philippine National Police (PNP) na nakatanggap ito ng 8,000 reklamo ng iba’t ibang online scams mula sa mga na biktima na nawalan ng mahigit sa P155 million.
Ang mga salarin ayon sa PNP ay kadalasang gumagamit ng “popular social media platforms, payment, messaging at selling apps at websites” para isagawa ang kanilang kasuklam-suklam na gawain at paraan.