Ni ESTONG REYES
WALA nang babalikang pwesto sa munisipyo si Bamban Mayor Alice Guo matapos lumabas ang resulta ng pagsusuri sa fingerprints ng alkalde at ni Guo Hua Ping – Chinese national na dumating sa bansa Enero ng taong 2003.
Batay sa pagsusuri ng National Bureau of Investigation (NBI) perfect match ang fingerprints ng mga dokumentong isinumite ni Guo Hua Ping at ni Mayor Guo.
“It means, they are the fingerprints of one and the same person. This confirms what I have suspected all along. Mayor Alice is a fake Filipino — or should I say, Guo Hua Ping. She is a Chinese national masquerading as a Filipino citizen to facilitate crimes being committed by Philippine Offshore Gaming Operators,” pahayag ni Senador Risa Hontiveros.
Para kay Hontiveros, isang malaking insulto sa mga mamamayan ng bayan ng Bamban ang ginawang panloloko ng kontrobersyal na mayor ng naturang bayan.
Kumbinsido rin si Hontiveros na wala nang dahilan para manatili sa pwesto si Guo na aniya’y nabisto sa pagpapanggap na isang Pilipino para kumandidato — “This is very strong evidence to remove Mayor Alice from public office.”
Bago pa man nabunyag ang tunay na pagkatao ni Guo, mahugong ang panawagan i-deport pabalik ng China ang kontrobersyal na alkalde.
Gayunpaman, nanindigan si Hontiveros na dapat muna aniyang pagbayaran ng alkalde ang lahat ng nagawang pagkakasala alinsunod sa umiiral na batas sa Pilipinas.
Kamakailan lang, sinampahan ng kasong qualified human trafficking si Guo at 12 iba pang bahagi ng sinalakay ng illegal POGO hub sa Bamban, Tarlac.
Sa ilalim ng Revised Penal Code, walang piyansa ang naturang kaso.
