Ni LOUIE LEGARDA
PARA kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hindi na sapat ang paghahain ng diplomatic protest laban sa patuloy na paghahari-harian ng bansang China sa West Philippine Sea.
Sa isang panayam, hayagang inilutang ng Pangulo ang posibilidad na tahakin ang landas sa labas ng kategorya ng protesta..
“We have filed over a hundred protests. We have already made a similar number of demarches,” wika ni Marcos.
“We have to do more than just that,” dugtong pa ng Pangulo.
Gayunpaman, walang inilahad na detalye ang Pangulo kung ano ang susunod na hakbang ng gobyerno.
Kamakailan lang, muling naghain ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) kaugnay ng pinakahuling insidente sa Ayungin Shoal kung saan pitong sundalong Pinoy ang nasaktan matapos salpukin, palibutan at akyatin ang Philippine Navy vessel bitbit ang itak at palakol noong Hunyo 17.
Pakay ng Philippine Navy maghatid ng pagkain, tubig at gamot sa mga navy srrvicemen na nakadestino sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Bagamat hindi pasok sa kategorya ng armed attack ang insidente, malinaw aniya na sinadya ng Chinese Coast Guard lusubin at saktan ang mga sundalong Pinoy na bahagi ng resupply mission.
“It’s not armed. There was no gunshot. They did not point a gun at us, but it was a deliberate action to stop our people,” ani Marcos.
“So, although there were no arms involved, nonetheless, it is still a deliberate action and it is essentially an illegal action that was taken by Chinese forces,” dugtong ng Pangulo sa aniya’y pinakahuli subalit pinakamarahas na pambabarako ng China sa loob ng 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone.
Matapos ang pananakit ng Chinese Coast Guard personnel sa mga sundalong Pinoy, naglabas ng pahayag ang Estados Unidos.
Ayon kay US Secretary of Defense Lloyd J. Austin III, handang sumaklolo ang Estados Unidos sa bisa ng 1951 Mutual Defense Treaty.
