
SA susunod na linggo na malalaman kung pahihintulutan ang paglahok ng Smartmatic sa bidding para sa kontrata ng voting equipment sa 2025 mid-term election.
Pagtitiyak ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia, asahan sa Miyerkules ang paglabas ng draft resolution na ipiprisinta sa En Banc na magpapasya sa kapalaran ng naturang kumpanya.
Una nang binuksan ng Comelec ang bidding para sa P18. 827-bilyong lease contract para sa bagong automated election system na gagamitin sa 2025.
“Kasi gusto natin na bago magkasimulaan ng pagbubukas ng mga mismong mga offer eh madesisyunan na namin ang issue tungkol sa disqualification ng naturang company ng Smartmatic,” ayon kay Garcia.
Ang petisyon kontra Smartmatic ay inihain nina dating Department of Information and Communications Technology Sec. Eliseo Mijares Rio Jr., Augusto Cadelina Lagman, Franklin Fayloga Ysaac, at Leonardo Olivera Odono noong Hunyo 15.
Nauna na rin idinipensa ng Smartmatic ang sarili sa paggiit na walang basehan ang akusasyon laban sa kanila ukol sa manipulasyon sa 2022 National and Local Elections.
Nais lamang umanong siraan ang kanilang kumpanya.