HINDI magiging madali para sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na gumawa ng panibagong salamangka gamit ang P113-bilyong subsidiya sa ilalim ng 2026 proposed budget.
Ayon kay House Committee on Appropriations Chairperson at Nueva Ecija 1st District Rep. Mikaela Angela Suansing, masusing babantayan ng Kamara ang paggamit ng PhilHealth sa matatanggap nitong subsidiya para sa susunod na taon.
Sa pulong-balitaan na isinagawa sa Batasan Complex, sinabi ng lady House panel chair na didikdikin ang state insurer sa tatlong bagay na niyang paglaanan nito ng nasabing pondo.
“I actually have been trying to press PhilHealth. I’ve manifested that several times during all the hearings and during the BARSc (Budget Amendments Review Sub-Committee) deliberations even. Sa aking parte, tatlo sana yung gusto kong makita na gagawin ng PhilHealth doon sa P113 billion pesos na ating ipagkakatiwala sa kanila,” pahayag pa ni Suansing.
“Una po sana mas mapalawak nila, mas mapataas nila yung benefits package para sa mga pasyente. Pangalawa, sana po mas mapababa nila yung premium para po sa mga direct contributors. At pangatlo po, sana mabayaran nila yung kanilang mga obligasyon sa mga ospital,” dagdag ng Nueva Ecija solon.
Ayon kay Suansing, bagamat binigyan na ng taning ang PhilHealth para magsumite ng detailed analysis sa kung paano nito mapapabuti ang ibinibigay na benefits packages, nais pa rin niyang personal na makaharap ang mga opisyal ng ahensya.
“Kasi gusto po sana namin, kung naalala nyo po nung deliberation, hinihingi ko po mas mapataas yung kanilang binibigay para sa angiogram at angioplasty. Ngayon po kasi parang 9,000 pesos lang yata yung binibigay nila para sa angiogram. At alam naman po natin minimum 50,000 pesos yung angiogram,” paglalahad pa ng kongresista..
“So yun po yung tatlo na gusto ko makita na gagawin ng PhilHealth. At medyo dikdikin pa po yung PhilHealth para makuha yung commitment nila dito,” pagtatapos ni Suansing. (ROMER R. BUTUYAN)
