WALANG ibang may kakayahan pangasiwaan ang masalimuot na isyu ng korapsyon sa gobyerno — maliban kay Senador Panfilo Lacson, ayon kay Senate President Vicente Sotto III.
Sa isang panayam, kinumpirma ni Sotto ang pagbabalik ni Lacson bilang chairman ng Senate blue ribbon committee.
“Yes,” tugon ng lider ng senado matapos tanungin hinggil sa usap-usapan hinggil sa panawagan ng mga kapwa senador na ibalik kay Lacson ang komiteng may hawak sa kontrobersyal na flood control scandal.
“Long story. In the course of our many conversations, it has come to his (Lacson) attention re: clamor of some of our colleagues and the public that he retake the committee,” wika ni Sotto.
Aniya, opisyal na pamumunuan muli ni Lacson ang komite sa pagbabalik ng sesyon sa Nobyembre 10.
Pag-amin ng senate president, wala maski isa sa limang napisil na humalili kay Lacson ang nais pamunuan ang blue ribbon committee.
Nagbitiw si Lacson bilang chairman ng blue ribbon bunsod ng umano’y alinlangan ng mga kapwa senador sa isinasagawang imbestigasyon sa anomalyang kinasasangkutan ng mga opisyales ng Department of Public Works and Highways, mga kontratista at mga prominenteng miyembro ng senado at kamara. (ESTONG REYES)
