Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
KUNG magpapatuloy ang pagpasok sa bansa ng mga peke at depektibong produkto mula sa bansang China, hindi malayong magsara na ang mga lehitimong negosyong nagbibigay sa daan-daang libong trabaho sa mga mamamayang Pilipino.
Sa isang kalatas, kinalampag ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno para sa isang kolektibong pagkilos sa layong pigilan ang pamamayagpag ng mga tinawag niyang “cheap but sub-standard products” na lubhang nakakaapekto sa local manufacturing sector.
Pag-amin ni Tulfo, personal na dumulog sa kanyang tanggapan ang hindi bababa sa 15 manufacturers at sellers ng mga appliances para hingin ang tulong ni Tulfo sa anila’y napipintong pagsasara ng kanilang mga negosyo kung patuloy na pahihintulutan ng pamahalaan ang pagpasok ng mga substadard at pekeng produkto sa bansa.
“Itong mga negosyanteng ito, sila yung mga nagbabayad ng tamang buwis at sumusunod sa lahat ng regulasyon at alituntunin na pinaiiral ng ating batas. Pero sila ang lubos na apektado at ngayon ay nalulugi dahil sa hindi patas na bentahan sa merkado,” wika ng ranking House official.
“Kung hindi ito mapipigilan, maraming negosyo sa Pilipinas na sumusunod sa tamang alituntunin ng batas natin ang mapipilitan magsara dahil sa pagkalugi. At kapag nangyari ito, siguradong daan-daang libong kababayan natin ang mawawalan ng trabaho,” dagdag niya.
Kabilang sa mga local manufacturer na lumapit at nagpasaklolo sa tanggapan ni Tulfo ay ang American Home, Asahi, Astron, Camel, Caribbean, Concepcion, Cooldaddy, Dowell, Eureka, Fujidenzo, Hanabishi, Karlsson, Kyowa, Kuchenluxe, Nikon, Nova, Tefal, Tiger, Union, Condura, Carrier, Midea, Shark Ninja, Tough Mama at 3D na nagbibigay empleyo sa humigit kumulang 300,000 manggagawang Pinoy.
Aniya, hindi angkop na hintayin pa muna ng gobyerno tuluyang malugi at magsara ng kanilang negosyo ang mga local manufacturers at distributors bago pa kumilos ang mga kinauukulang ahensya, lalo’t nakataya rin dito ang kabuhayan ng maraming obrero.
Partikular na kinalampag ni Tulfo ang Department of Trade and Industry (DTI) at Bureau of Customs (BoC), na aniya, ay dapat hindi hinahayaan ang pagpasok sa bansa ng mga murang produkto pero walang kalidad.
Hihit pa ng [partylist congressman, mahigpit na implementasyon ng umiiral na regulasyon.
Paglilinaw ni Tulfo, hindi siya tutol sa mga online selling, pero dapat aniyang dumaan at sumunod sa sa mga panuntunan ng pamahalaan.
Samantala, bunsod nito, naghain si Tulfo, kasama ang kanyang mga kapwa kinatawan ng ACT-CIS partylist na si Rep. Edvic Yap, gayundin sina Benguet Rep. Eric Yap at Quezon City 2nd district Rep. Ralph Wendel Tulfo ng isang resolusyon para paimbestigahan sa Kongreso ang “unfair online sales practices” ng mga offshore appliances na karamihan ay galing sa China at direktang ipinapasok sa bansa at ibinebenta sa mas murang halaga.
