Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
ALINSUNOD sa polisiya ng administrasyon, isang kasunduan ang napipintong pagtibayin sa hanay ng Kamara, Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Philippine Medical Association (PMA) sa hangarin tugunan ang karaniwang problema ng mga maralitang pasyente sa mga pagamutan – ang professional fee na sinisingil ng mga doktor.
Sa isang pulong-balitaan, ibinahagi ng House Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo ang pakikipag pulong ni House Speaker Martin Romualdez kina PCSO General Manager Melquiades Robles at PMA President Dr. Hector Santos Jr. para talakayin ang hakbang na tutugon sa pagnanais ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tulungan ang mga maralitang pasyente sa pagpapagamot.
Kasama rin sa nasabing pulong sina House Senior Deputy Speaker at Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr., House Committee on Appropriations Chairman at Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, House Majority Leader at Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, at ACT-CIS Rep. Edvic Yap.
Ayon kay Tulfo, kabilang sa napagkasunduan ang muling pagpapahintulot sa PCSO na tugunan ang paghingi ng tulong ng mga indigent patient para sa pagbabayad ng professional fee ng doktor – kesehodang pampubliko o pribadong pagamutan.
Paliwanag ng ranking House official, bago ang pakikipag-usap ni Romualdez kina Robles at Santos, limitado ang tulong ng PCSO sa hospital bill sa mga pampublikong pagamutan – at hindi kasali ang pagbabayad ng professional fee ng mga espesyalista.
Hindi rin naman aniya tinatanggap ng karamihan ng mga doktor ang guarantee letter o payment voucher mula sa gobyerno dahil sa haba at tagal ng proseso.
“Nagpapasalamat tayo dito sa ating GM ng PCSO at sinagot niya po ang hinaing ng ating health care professionals lalo na dito sa isyu ng professional fees,” sabi ng lider ng Kamara.
“All medical practitioners will (then) be covered by the government under the auspices of the PCSO so that health care will be totally free,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Speaker Romualdez na layunin ng Kamara na bigyan ng katuparan ang pagnanais ni Presidente Marcos na gawing libre ang healthcare services para sa lahat ng Pilipino.
“We will also continue to look at other ways and means to make healthcare more accessible and universally acceptable and free to all the Filipino people,” wakas na pahayag pa ng Leyte solon.
