
Pinoy Reservists target isabak sa West Philippine Sea
MASUSING pinaghahandaan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagsabak ang mga naval reservists sa hangaring palakasin ang presensya ng sandatahang lakas sa West Philippine Sea, ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner.
“Parte nung reserve force development natin, when you say reserve force it’s not just land based forces. We are also trying to develop our reservists who will also be able to operate in the sea,” ani Brawner sa isang pulong balitaan kamakailan.
Bukod sa mga naval reservists, target din ng AFP sanayin ang mga mangingisdang Pinoy na naglalayag sa karagatang pasok sa 200-nautical mile exclusive economic zone ng bansa.
Paglilinaw ni Brawner, kasado na ang pagsabak ng mga reservists na naghihintay na lamang mga sasakyang-dagat na gagamitin sa pinagtatalunan karagatan.
“It’s already being implemented. We have already established these reserve units but we are going to wait for the platforms or the vessels na gagamitin nila,” aniya.
Bukod sa presensya sa karagatan, isusulong din umano ng pamahalaan ang pagde-deploy ng mga seafaring vessels at eroplano sa pagpapatrulya sa West Philippine Sea.
Bahagi rin sa plano ng AFP ang pagpapaayos ng BRP Sierra Madre na nagsisilbing himpilan ng mga sundalong Pinoy sa Ayungin Shoal na sakop ng lalawigan ng Palawan.
Samantala, kinumpirma ni Brawner ang pagdalo sa nalalapit na Chief of Defense Forces meeting sa Japan sa susunod na linggo.
Kabilang rin sa kumpirmadong dadalo ang kinatawan ng China.
Ayon kay Brawner, kabilang sa mga isusulong sa naturang pulong ang tinawag niyang ‘rules-based order’ sa Indo-Pacific region at ang joint patrol sa West Philippine Sea.
Batay sa pinakahuling ulat, nasa 400 foreign vessels ang namataan sa West Philippine Sea, Sa naturang bilang 85% ang mula sa bansang China.