Ni EDWIN MORENO
PAGSAPIT ng Araw ng Palaspas, asahan ang paghihigpit ng Philippine National Police (PNP) sa mga lansangan para tiyakin ang kaayusan at kaligtasan ng mga mamamayan, ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Colonel Jean Fajardo.
Paglilinaw ni Fajardo, wala pa naman di umano nakikitang banta ang pambansang kapulisan sa seguridad ng bansa para sa Semana Santa.
Gayunpaman, binigyan na di umano ni PNP chief Benjamin Acorda ang mga Police Regional Directors ng direktibang magpasya sa alert status sa mga nasasakupang probinsya.
“Nasa discretion ng mga Police Regional Director kung itataas pa ito sa Full Alert Status depende sa sitwasyong panseguridad sa kanilang nasasakupan.”
Tiniyak din ng tagapagsalita ng pambansang kapulisan na hindi pa rin kampante ang PNP. Katunayan aniya, mas pinaigting ng PNP ang pakikipag-ugnayan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) – bukod pa sa 34,000 pulis na ikakalat sa mga tourist destinations, transport hubs, at areas of convergence, kabilang ang mga simbahan para mapangalagaan ang seguridad ng publiko.
