
Ni Lily Reyes
PINANGUNAHAN ni Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa Maguindanao del Norte ang ikalawang pagproseso sa mga aplikante mula sa dating mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF) na gustong maging pulis.
Ayon kay Abalos, ang kanyang pagbisita sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) nitong Miyerkoles ay bilang tugon sa programa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa pagkakaroon ng kapayapaan at seguridad sa bawat sulok ng bansa.
Sa isang seremonya na isinagawa sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PROBAR) sa Camp Pendatun sa Maguindanao del Norte, hinikayat ng DILG chief ang mga MILF/MNLF applicants na maging simbolo ng pangmatagalang kapayapaan at seguridad sa kanilang rehiyon.
Ang recruitment ng MILF/MNLF police wannabes ay base sa National Police Commission (NAPOLCOM) Resolution 2023-0380 na nag-a-apruba sa rekomendasyon ng PNP upang maglaan ng 400 slot sa recruitment ng mga dating miyembro ng dalawang grupo.
Kumpiyansa naman si Abalos na ang mga na-recruit ay magiging malaking factor sa pangarap ng lahat na magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan at pag-unlad sa Mindanao.
Ang pagpasok ng mga dating miyembro ng MILF at MNLF sa PNP ay sakop ng Republic Act (RA) 11054 o The Organic Law for BARMM, na isinabatas matapos ang paglagda ng peace agreement sa pagitan ng pamahalaan at ng MILF.
Hinikayat rin ng kalihim ang nasa 102 newly appointed PNP patrolmen mula sa unang batch ng MILF/MNLF applicants na nagsumikap sa 24-linggong puspusang Police Safety Basic Recruitment Course sa police science administration, combat operations, at tactics.