HULI man at magaling, huli pa rin. Sa isang naantalang paalala, isang panawagan ang paabot ng Department of Health (DOH) sa mga Pilipino – maghinay-hinay sa pagkain sa mga handaan at salu-salo dahil sa naitalang pagdami ng insidente ng stroke sa nakalipas na isang linggo.
Sa isang panayam sa radyo, isiniwalat ni Assistant Secretary Alberto Domingo na tumatayong tagapagsalita ng DOH, na pumalo sa sa 71 ang tinamaan ng tinawag niyang “acute stroke” mula Disyembre 21.
“Noong December 21 hanggang December 25, o kaya noong bisperas ng 24, tumataas ang bilang ng mga stroke at tumataas ang bilang ng mga atake sa puso,” wika ni Domingo sa panayam.
“Ang sabi ni Secretary Ted Herbosa, medyo nagulat siya ang daming nai-stroke,” dugtong ni Domingo, kasabay ng panawagan sa publiko na limitahan ang pagkain ngayong holiday season.
Bukod aniya sa limitadong pagkain, dapat rin umanong maglaan kahit 30 minuto kada araw para sa ehersisyo.
“‘Yung pagkain hinay-hinay po tayo. Alam po namin masaya ang panahon ngayon, nagkikita-kita. Ano ba naman ang magpakita ang pagmamahal sa pagkain pero dapat po ang plato natin kalahati prutas at gulay, ¼ lang yung ating carbohydrates, yung kanin saka pancit, tapos ¼ lang yung lechon, karne at iba pang mataba para tayo ay tumagal hanggang sa susunod na taon,” paliwanag ni Domingo.
Aniya, kasama sa dapat maghinay-hinay ang mga taong ng maintenance medicines dahil posible pa rin umanong tamaan ng stroke o atakihin sa puso kung labis ang kinakain.
“Yung maintenance hindi po iyan anting-anting. Yung maintenance ay parang saklolo ninyo sa kinakain na hindi pang-holiday.”
